Minamahal kong mga katuwang na lingkod-pari, mga lider-layko, mga kasapi ng mga Ministries, mga Mandated Religious Organizations at Movements, mga kabataan, at mga kapatid sa pananampalataya:
Pagbati ng Pag-ibig at Kapayapaang kaloob ng DIYOS NA SUMASAATIN!
Limang buwan na ang lumipas mula nang kami nina Fr. Willie Abas at Fr. Bien Sandoval ay inyong malugod na tinanggap sa komunidad ng Sto. Niño Cathedral Parish. Buong puso ang aming pasasalamat sa biyayang kayo’y makasama at makalakbay bilang isang Sambayanan ng mga Alagad ni Cristo. Ramdam namin ang inyong pagtuwang sa misyon taglay ang katapatan at kasigasigan sa buhay-paglilingkod.
Naging malaking biyaya para sa atin ang unang taon ng Triennium Celebration bilang paghahanda para sa ika-75 taong anibersaryo ng pagkakatatag ng ating Apostoliko Bikaryato. Pinagsikapan natin na ito’y mailaan sa puspusang paghahandog ng Banal na Eukaristiya at pangangalap ng ating mga kapamayanan sa ipinagdiwang nating mga “Pistang Eukaristiya” kasabay ang pagpapalalim ng ating mapanalanging pakikipagniig kay Jesus sa Banal na Eukaristiya.
Sinimulan na natin ang pagsasaayos sa ating Cathedral bilang paghahanda sa diosesanong pagdiriwang sa Hulyo 2026. Pinasisigla natin ang ating mga programang kateketikal sa mga paaralan at sa pagsasagawa ng Sunday School para sa mga inihahanda sa pagtanggap ng Unang Pakikinabang at ng Sakramento ng Kumpil. Ipinagpapatuloy ang mga paghuhubog ng mga kabataan, ng lahat ng mga liturgical and formation ministers, at pagpapa-ibayo ng ating Service Ministry sa pamamagitan ng ating Lingap Center para maitaguyod ang kapakanan ng mga kapatid nating may karamdaman, may kasalatan, at mga nasa laylayan.
Umasa tayo na magiging mapagpala ang darating na Taon 2025 sapagkat ito’y inihahandog sa atin bilang isang Extraordinaryong Taon ng Jubileo na nakatuon sa pagpapa-alab ng ating pag-asa, kaya naman minabuti natin na sa ating pagdiriwang ng kapistahan ng ating patron, matanglawan tayo ni Sto. Niño de Calapan sa Magkakasamang Paglalakbay sa Landas ng Pag-asa at Kapayapaan.
Buong galak at pasasalamat tayong makiisa sa paglulunsad ng Jubilee Year sa ating Bikaryato sa Disyembre 29, Kapistahan ng Banal na Mag-anak, at sa pagbubukas ng ating Cathedral bilang isang Pilgrim Church sa Enero 5, Dakilang Kapistahan ng Pagpapakita ng Panginoon. Sa Enero 26, Linggo ng Bibliya, sisimulan din natin ang Taon ng Kalapit na nakasentro sa Hapagdiriwang ng Salita ng Diyos. Magsisilbing inspirasyon natin ito sa pagsisikap na maihandog ang Salita ng Diyos bilang sentro ng kapatiran at daan ng paglalapit ng isip at kalooban ng mga pamilya na itinuturing na simbahan sa tahanan. Ipagpapatuloy natin ang pag-oorganisa ng mga kawan sa pamayanan tungo sa pagbubuo ng mga Kristiyanong Kapitbahayang Simbahan (MKK/BEC). Pasisiglahin din natin ang ating Pagtatapong sa Hapag para maging konkretong daluyan ng biyaya ng ating saknungan at pagdadamayan.
Nawa’y sa patuloy nating pagsasalo sa Hapag ng Eukaristiya bilang “buháy na pag-alala kay Jesus” (Lucas 22:19b) at sa pagsasalo sa Hapag ng Salita bilang “liwanag na tumatanglaw at patnubay sa landas na daraanan” (Awit 119:105), higit na mapag-alab ang ating pag-asa, pananampalataya at pag-ibig na maghahatid sa atin sa kabanalan at kaginhawahan. Nawa’y ang ating Mahal na Inang Maria ang magsilbing tala sa ating paglalakbay palapit kay Jesus at sa handog Niyang buhay na ganap at kasiya-siya.
BINABATI KO KAYO NG ISANG MALIGAYANG PASKO AT MAPAYAPANG BAGONG TAONG KALOOB NI STO. NIÑO NA ATING KAMAHAL-MAHALANG PATRON!
Sumasainyo kalakip ang panalangin bilang inyong lingkod-pastol,
REB. PD. ANDY PETER M. LUBI
Rector
Date : December 21, 2024
Santo Niño Calapan Cathedral
Calapan, Oriental Mindoro, Philippines
Copyright © 2024 Santo Niño Cathedral Calapan - All Rights Reserved.
With gratitude to the friends of Fr. Andy Lubi for making this website possible.